Ang buhay nga naman, punong-puno ng problema. Bawat linggo eh may bagong problemang dumadating. Wala naman akong magagawa dahil parte iyon ng buhay ng tao at ang maganda pa doon eh marami din akong natututunan katulad na lamang ng mga namatalinhagang kasabihan na narinig ko kanina..
“Pahupain muna ang bagyo bago pumalaot…”
Ang ibig sabihin nitong kasabihang ito eh hayaan muna nating lumipas ang galit ng isang tao bago natin sila kausapin ng masinsinan. Sa ganitong paraan ay maiiwasan natin ang gulo at maaayos ang gusot sa mapayapang paraan. Tama nga naman. Hintayin nating dumating ang tamang oras para maayos ang gulo ngunit huwag naman sanang abutin ng taon ang hintayin bago pa iyon dumating. Kapag nangyari iyon ay parang wala ng saysay ang pag-usapan pa ang problema dahil huli na ang lahat.
”Hindi maluluto ang sinaing kung maya’t maya ay bubuksan mo ang kaldero…”
Ang ibig sabihin naman nito eh kung mahal mo ang isang tao, hahayaan mo siyang mag-grow na hindi mo siya iniimpluwensiyahan o kaya naman ay binabantay-sarado. Kung ikaw ay magiging bantay sarado eh baka nga hindi maging madali ang kayo ay matuto at mag-mature dahil maaaring makulong kayo sa isa’t isa. Totoong hindi maganda ang maging bantay-sarado lalo na kung wala ka ng pinanghahawakan sa relasyon nyo ng iyong kasintahan. Hindi na maganda ang binabantayan mo parin ang bawat kilos niya kahit na alam mo na sa sarili mong wala ka na talagang magagawa para ibalik pa ang lahat. Oo, mahal mo pa nga siya pero naisip mo ba na makasarili na ang ginagawa mo? Hindi ba kung mahal mo ang isang tao eh hahayaan mo siya sa gusto niya?
”If you don’t love the person, don’t give that person the reason to love you…”
Matagal ko ng ginagamit sa pang araw-araw na buhay ko itong kasabihang ito. Kailangan ko pa bang ipaliwanag? Pero sige, ipapaliwanag ko parin. Ang ibig sabihin naman nito eh huwag mong bigyan ng dahilan ang isang tao na umasa sa’yo kung ayaw mo naman siyang paasahin. Minsan kasi, basta may gusto sa’yo ang isang tao eh nagiging makahulugan na ang pinaka simpleng pagbati o di kaya’y pagngiti mo sa kanya. Kung yung ganong bagay pa nga lamang eh makahulugan na, pano pa kaya kung magiging sweet ka pa sa kanya ng sobra hindi ba mas magbibigay pa iyon ng mas malalim na kahulugan sa kanya? Hindi ko naman sinasabing masama ang maging pala kaibigan pero huwag mo sanang bigyan ang isang tao ng dahilan para umasa sa’yo sa wala.
”True love starts with acceptance…”
Ang ibig sabihin naman nito eh kung mahal mo ang isang tao ay tatanggapin mo ng buong-buo kung sino siya, kung ano ang gusto niya at kung ano ang mapagdesisyunan niya. Tama rin ang kasabihang ito lalo na sa puntong wala na kayo ng taong mahal mo. Tanggapin mo na wala na kayo at wala ka ng magagawa pa para maibalik ang dati. Kung tunay mong mahal ang isang tao, hindi ba kaligayahan niya ang tangi mong hangad? Kung papipiliin ka, ano ang mas gusto mo? Ang magkasama kayo ng taong mahal mo pero nakikita mong malungkot siya sayo o Ang may kasamang iba ang mahal mo na siya ay masaya kahit na masakit para sa’yo? Hindi masamang isipin ang iyong sarili pero minsan, kailangan mo ring isipin ang ibang tao.
”Change the loser…”
Matagal ko na ring naririnig to pero ngayong araw ko lang ito nai-apply sa buhay. Ang ibig sabihin naman nito eh kung natalo ka, matuto kang magparaya. Nabigyan ka na ng pagkakataon para gawin ang parte mo at para itama ang mga pagkakamali mo pero kung sinayang mo yung pagkakataon at hindi mo parin nagawa, tanggapin mong natalo ka. Hindi naman kasi pupuwedeng natapos na ang pagkakataon mo pero uulit ka pa rin, hindi ba parang hindi naman patas yun? Pagiging makasarili ang umiiral sayo nun. Oo mahirap tanggapin, pero kailangang tanggapin na tapos na ang lahat sa inyo at hindi na kailangang ipilit pa.
Ilan lang yan sa mga kasabihan na ibinahagi ng aking mga kaibigan kanina sa aming pag-uusap. Sana’y maging maayos din ang lahat. Alam kong hindi na maibabalik ang dati pero wala namang masama kung susubukan natin ng dahan-dahan hindi ba? Isa pa hindi naman lahat ng bagay sa mundo ay nakukuha ng madalian. Subukan na lang natin, wala namang mawawala kung susubukan eh.
No comments:
Post a Comment