Wednesday, August 5, 2009

Bukas (Alinlangan)

“Ano na naman kayang mangyayari bukas?” ayan ang palaging laman ng aking isipan bago ako humimlay at mapadpad sa lupa ng panaginip. Iniisip ko kasi, “Paano kung hindi na pala ako magigising bukas? Sana pala sinabi ko na ang mga bagay na gusto kong sabihin at ginawa ko na ang mga bagay na gusto kong gawin kanina…”

Minsan kasi dumadating tayo sa pagkakataong tayo’y nag-aalinlangan kung gagawin ba natin ang isang bagay o hindi. Kung alam mo namang tama ang ginagawa mo at alam mong magiging masaya ka diyan, ituloy mo lang at huwag ng mag-alinlangan pa pero kung alam mo sa sarili mong mali ‘yang gagawin mo, dapat lang talagang mag-alinlangan ka. Palagi rin kasi akong nag-aalinlangan, lalo na sa pagdedesisyon tungkol sa mabibigat na bagay. Ewan ko ba, kahit na alam kong may pag-asa ako o kaya naman ay pagkakataon ko na ito eh nagdadalawang isip pa rin ako. Siguro mahirap para sa akin ang talikuran ang isang bagay at dahil na rin siguro sa nabubuhay ako sa mga tanong na “Paano kung…?” Ngayong gabi, natutunan kong alisin sa aking isipan ang tanong na yan sa aking isipan. Natutunan kong mahirap managinip ng gising gayon alam mo namang sa sarili mo mismo na hindi naman iyon ang tunay na nangyayari. Kailangang ikaw mismo ang gumawa ng paraan para makamit mo ang iyong minimithi, kahit gaano pa kahirap yan sa iyong palagay kailangang umaksyon ka at hindi ang managinip lang.

Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya para makamit ang bagay na iyon. Alam kong hindi ito magiging madali kahit na alam kong may pag-asa ako, mahirap pa rin sa akin na talikuran ang lahat. Kung pumalpak man ako, hindi ako magsisisi dahil ang mahalaga ay ang nagawa ko ang kailangan kong gawin at nasabi ko ang kailangan kong sabihin, at hindi naman ako yung tipo ng tao na mapilit.

“Bakit mo pa ipagpapabukas kung pwede namang ngayon na...”

“Pakialam ko ba kung anong sasabihin nila? Hindi ba ang mahalaga ay yung nararamdaman ko sa puso ko?” – L.P.

No comments:

Post a Comment