Sunday, August 1, 2010

Bakit Nga Ba?

Bakit nga ba ako na inlove sa isang babaeng katulad mo? Kung tutuusin, hindi naman kita gaanong napapansin noon. Basta ang alam ko, may isang araw sa buhay kolehiyo ko na nakasalubong kita at bigla na lang akong naakit sa'yo. Itinatak ko sa isip ko na kahit anong mangyari, kailangang makilala ko siya at kailangang maligawan ko siya.

Lumipas ang ilang taon sa buhay ko bilang kolehiyo at hindi ko pa rin siya nakikilala. Palagi ko siyang hinahanap, habol tingin kapag nakikita at nakakasalubong. Ang ganda kasi ng mukha niya. Maganda ang hugis ng kanyang mga labi at ganon na rin ang kanyang ilong. Maganda rin ang bagsak ng mahaba niyang buhok. Gusto ko ang kanyang ngiti at ang kanyang pananamit. Tuwing nakikita ko siya para akong tumatalon sa tuwa. Kaya naman nung maging kaklase ko siya sa isang subject, pinilit kong mapalapit sa kanya. Kaya lang, hindi ko inaasahang may karelasyon pala siya noon. Ngunit hindi ako nawalan ng pag-asa, pinili kong mas mapalapit sa kanya at iyon nga ay nagbunga sa isang magandang pagkakakilanlan at samahan. Naging matalik kaming magkaibigan, best friends. Nung nangyari yon ay mas lalo pa akong nahuhulog sa bawat araw na lumilipas. Unti unti akong nagiging palagay sa kanya. Nasasanay na palagi siyang nandyan, inaalala ka at pinapasaya ka sa mga oras na nagdurusa ka. Wala siyang kasing sweet at kahit sabihin niyang di siya sanay maglambing, napakalambing niya. Ni minsan, hindi siya sumablay na pakiligin ako sa kahit pinaka maliit na bagay na ginagawa niya. Dumating din sa puntong umamin ako na gusto ko siya at mahal na mahal ko siya ng buong puso ko. Natanggap naman niya iyon at parang walang ilangan.

Dahil doon, mas lalo akong na inlove. Napamahal ako ng husto sa kanya. Para bang may kulang kapag hindi ko siya nakikita o kaya ay nakakausap man lang. Ang hirap lang nito ay hindi ako napapansin kahit alam niya na may gusto ako sa kanya. Hindi napapansin yung pagmamahal na alay ko sa kanya. Parang mas nabibigyan pa niya ng kahulugan yung ginagawa ng ibang tao sa kanya kahit na kakakilala pa lang niya dito. Siyempre, ang sakit nun sa damdamin. Pero hindi ko naman kayang magalit kasi hindi ko kayang wala siya piling ko. Pero ang lahat ng iyon ay nakalipas na.

Ngayon, eto ako. Naghihintay pa din sa pagkakataong maipahayag at maipadama sa kanya ang buong pagmamahal at paghanga ko sa kanya. Hindi ko na iniisip kung magkagusto siya sa iba. Mas pinag tutuunan ko ng pansin ay ang kung papaano ko mapapatunayan na karapat dapat din nya akong mahalin. Na kung papaano ko mapapatunayan na totoo ako sa kanya.

Ganon pa man, hanggang ngayon ay nagtataka parin ako kung bakit siya ang itinitibok ng puso ko. Ganon naman ata talaga, magulo kapag tunay na pag-ibig na ang pinaguusapan at ang iyong nararamdaman para sa isang tao sa buhay mo.

Mahal na mahal kita at hindi ko maisip na wala ka sa buhay ko ngayon , bukas at kailan pa man.

No comments:

Post a Comment