Hello Maureen! As usual, idadaan ko na lang sa blog post ang sulat ko sayo para ngayong araw na to. Exam day ko ngayon eh, kabado na excited. Kabado dahil after a long time, mag-eexam ulit ako. Excited din kasi matetesting ko ulit ang galing ng aking stock knowledge. College pa lang nasusubukan na yung galing ng stock knowledge ko kasi bihira ako mag-review hahaha! Ayun, nagkanda loko-loko ang grades ko. Pero ibang kwento na yun. Mamaya siguro pag-uwi ko iupdate kita tungkol sa exam ko. Sana ay epektib yung prayer na binigay mo.
Hindi ko pa yata na kwento na ako ay nag-aral sa isang Catholic school mula ng grade 2 ako hanggang sa maka-graduate ng highschool. Ang name ng school ay Caritas Don Bosco School. Malapit lang siya dito sa South Forbes pero hindi pa kami dito nakatira noong nag-aaral ako sa CDBS. Kahit pa mula bata ako ay nasa matinong paaralan ako, natural na yata sa akin na maging pasaway. Walong taon palang ako ay maloko na talaga ako. Madalas napapagalitan kami ng mga kaibigan ko ng mga teacher namin. Nung dumating naman ako sa highschool yun na, mas lumala kasi napabarkada na sa mas magugulong kaklase. Nauso ba sa inyo yung nananaltik ng garter ng bra? Alam mo na, bata at walang magawa kaya napagdidiskitahan ang mga kaklaseng babae. Ayun, nauso samin kasi yun. Tanda ko pa nga ay napa-guidance office pa kami nun dahil may napaiyak kaming kaklase dahil sa ganun. Hindi ko naman talaga kasalanan yung nangyari. Pano ba naman ay yung isang kaklase ko ay hinatak yung bra sa harapan imbis na yung garter lang ang hinatak. Ayun, damay damay tuloy kami. Buti na lang at hindi ipinatawag yung magulang ko.
May mga matitino din namang nangyari sa akin noon. Alam mo bang kahit pilyo ako noong elementary ako ay matataas naman ang grades ko? Kung hindi ako nagkakamali ay lagi naman akong kasama sa top 20 sa klase. Kaya lang ay 21 kami sa isang classroom hahaha! Di, joke lang. Pero seryoso masipag naman ako mag-aral nung elementary ako. Nung dumating ang highschool dun talaga nagsimula lumabas ang pagiging tamad ko. Nagboom kasi noong mga panahong yun ang computer shops at pati narin ang computer games. Yun nga ang dahilan kung bat ako kumuha ng BS-Computer Science nung college eh. Pero yun nga, na adik sa paglalaro kaya napabayaan ang pag-aaral. Anyway, balik tayo sa magagandang nangyari. Nung highschool din ako unang nadiscover ang talent ko sa pagkanta. Narinig lang ng isang teacher ko na kumakanta kanta ako sa isang tabi tapos yun niyaya na niya akong sumali sa choir. Hanggang sa makagraduate ako ng highschool member ako ng choir sa school namin. Sumasali pa nga kami sa competitions kaya lang madalas hindi ako nakakasama. Hati din kasi ang oras ko dahil member din ako sa soccer varsity team nung highschool ako. Medyo mas active ako sa soccer kasi ako ang goal keeper at importante ang role ko haha! Kaya ayun, madalas ako mainjury kasi sobrang intense ng training at yung mismong laro. Yun nga lang, hindi kami nakapaguwi ng trophy noon dahil hilaw ang aming skills hahaha! Ano pa ba? Ay nung highschool din ako unang nagka-love life. Pero personally ko na lang ikekwento sayo yung mga ganun para may maikwento naman ako sayo next time na lumabas tayo.
Ay ayun nga nakwento ko na sa mga magulang ko na nililigawan kita. Nagsimula kasi ang topic namin nung agahan sa kung handa na daw ba ako sa exam ko para ngayong araw na to. Tapos ay sumunod na yung pinapagpasa ako ng resume sa isang family friend kasi hinihingi daw ang resume ko. Sabi ko naman ay parang mahirap yata kasi hindi pa naman tapos ang contrata ko at hindi naman ako basta basta makakapagleave dahil nga sa nature ng trabaho natin sa office. Pero sabi nila wala naman daw masama kung ako ay magsesend ng resume kasi hindi naman ibig-sabihin ay aalis ako kagad. Pwede ko naman daw sabihin na saka na lang ako papasok sa kanila after ng contract ko sa JC. Pero sa totoo lang naman ay hindi ko pa sigurado kung may balak akong umalis anytime soon. Dun ko na siningit, sabi ko ay hindi ko din magagawang umalis agad dahil nga may nililigawan ako. At gaya nga ng sabi ko, tinawanan nila ako. Nagulat siguro na ako ay nagkukwento ng ganon. Tinanong nila ako kung sino daw, kung si Melody daw ba. Nakakainis pati talaga magulang ko ay si Melody ang iniisip. Sabi ko na mali talaga na pinatulan ko yung comment sa isang picture sa FB eh. Anyway, sinabi ko naman na hindi at sinabi kong ikaw ang nililigawan ko. Tapos tinanong sino daw ba yung Mau. Sagot ko naman ay yung malaking babae na nangunguna mag-videoke. Tapos sabi ba naman ay niloloko loko daw kita sa pagkanta sabay ikaw daw liligawan ko. Edi lalong nagtawanan. Pati ako natawa din kasi nga guilty na inaasar asar kita yun pala naman ay may gusto ako sayo hahaha! Tapos ayun, wala na silang nasabi. Nakita ko lang na natutuwa sila dahil siguro first time kong nagkwento tungkol sa ganun.
Noon kasi ay minimal lang ang kinukwento ko tungkol sa lovelife ko. Palibhasa siguro ay isip bata pa at nahihiya. O kaya naman ay sa sobrang labo ng lovelife ko ay hindi ko magawang ikwento. Pero ngayon ay nakatagpo na ulit ako ng seseryosohin ko kaya naisipan ko ng sabihin sa kanila kahit nanliligaw pa lang ako. Kinausap ka ba ni ermats? Sana naman ay hindi hahaha! Kung sabagay, maghapon naman silang wala ngayon sa bahay kaya malamang ay hindi nakapag-FB yun.
Gayun pa man, isang linggo na din ang lumipas mula ng ako ay umamin at sinabing gusto kita. Simula noon ay lalo pa kitang nagustuhan at lalo pang na-de-develop ang pag-ibig ko sayo. Lalo ka din tuloy gumaganda sa paningin ko. Sana ay na sisiyahan ka naman sa mga ginagawa ko para sayo kahit na ito ay maliit na bagay lamang. Kasi ako, masayang masaya ako na ginagawa ko yun para sayo. Masaya ako na ikaw ang itinitibok ng puso ko. Ehem, keso, oo. Pero yan talaga ang nadarama ko. Walang halong biro.
Hanggang dito na lang muna ang aking sulat/kwento/blog. Ako ay maliligo na at maghahanda pa para sa exam ko. Muli, salamat sa supporta at mga dasal. Miss na kita talaga, pwede kaya tayong magkita ngayong hapon? Sana ay hindi ko maisagot ang pangalan mo sa exam sa sobrang kakaisip sa'yo haha! Enjoy your day off and see you soon!
--Mikko
No comments:
Post a Comment