Natural lang na hindi kayo maaaring magsama ng minamahal mo araw-araw. Lalo na kung kayo naman ay mag-boyfriend at girlfriend pa lamang. At lalong lalo na kapag hindi naman kayo legal sa partido ng isa sa inyong dalawa. Kaya lamang, siyempre nakakalungkot padin na hindi mo mamamasdan ang maganda niyang ngiti kahit saglit lang.
Alam kong halos bago pa lang kami, mga anim na buwan. Pero parang kay dami na naming napagdaanan. May masaya, may malungkot, at may mabigat din naman sa puso. Pero sa kabila ng lahat ng iyon, sabik parin akong masilayan siya araw-araw.
Alam mo yung pakiramdam na parang may kulang kapag hindi mo siya nakikita o kaya naman ay hindi nakakasama? Ganun kasi yung nararamdaman ko. Ganun yung pakiramdam kapag alam kong sa isang araw ay hindi ko siya makakasama.
Hindi naman sa masyado na akong naka depende sa kanya. Talaga lang na ako ay isang tao na kapag gusto ko o kaya ay mahal ko ang isang tao, kung ako ang papipiliin ay sana kasama ko sila araw-araw. May konting lungkot lang talaga akong nararamdaman kapag wala sila.
Sa kabila ng lahat, masaya din naman ako dahil alam kong paglipas ng ilang araw ay muli ko siyang masisilayan. Muli ko siyang mayayakap o kaya ay mahahalikan. Makakapagkuwentuhan ulit kami ng mga bagay na nangyari sa nakalipas na araw.
Kaya sana Sabado na para makita ko na ulit ang mabuburok niyang pisngi habang siya ay naka ngiti. Para maamoy ko na ulit ang halimuyak ng kanyang pabango. Para mahawakan ko na ulit ang kaniyang kamay at mayakap siya ng walang kasing higpit.
Mahal na mahal ko siya at hindi ko gusto ang pakiramdam kapag alam kong hindi ko siya makikita. Kahit na may paraan naman kami para mag-usap, iba parin talaga kapag kasama ko siya.
Hindi ko lang yata talaga gusto na lumipas ang isang araw na wala ka.
No comments:
Post a Comment